Wednesday, July 11, 2007

TUNAY NA BALITAAN NG TMPCWA

LOCAL ELECTION—BOGUS!

Noong nakaraang ika-8 ng Hunyo ay naglunsad ng isang “BOGUS” na LOCAL ELECTION (LE), ang iligal at dilawang unyong TMPCLO.

“BOGUS” ang LE, katulad ng TMPCLO. Ibig sabihin “illegitimate”. Ito ang tunay na depinisyon ng lahat ng kaganapan at magaganap na may kaugnayan sa TMPCLO.

Sa simula pa man ay hindi dapat kilalanin ang mga transaksyon ng TMPCLO. Narito ang mga batayan kung bakit:

Hindi pa natatapos ang usapin na may kaugnayan sa “legitimacy” ng TMPCLO at kasalukuyang nasa korte pa rin.

Sa Nakaraang Certification Election, hindi nakuha ng TMPCLO ang “Simple Majority Vote na 50% + 1”. Kaya iligal din ang ginawang rekognisyon ng Toyota.

Walang karapatan ang TMPCLO na katawanin ang rank-n-file sa isang CBA, dahil may desisyon ang Korte Suprema, na naguutos sa Toyota na kilalanin at harapin ang tunay na SEBA —walang iba kun’di ang TMPCWA.

Ipinangako ng Toyota na walang dapat na maganap na isang CBA, hangga’t hindi pa natatapos ang kanyang apela sa pagkakapanalo sa CE ng TMPCWA, gayunman biglang tinalikuran ito ng Toyota na nasa korte.

Ilan lamang ito sa mga batayan kung bakit hindi kinikilala ng TMPCWA ang lahat ng transaksyon ng TMPCLO at ng Toyota. Ang lahat ng ito ay alam ng Toyota at ng kanyang kasabwat sa hanay ng TMPCLO at TMPCLO.

Malinaw na inilalayo lamang ng Toyota at ng kanyang mga alagad ang tunay na isyu - walang iba kun’di ang iligal na pagtatanggal sa mga kasapi at opisyales ng TMPCWA, para durugin ang tunay na unyunismo sa loob ng Toyota!

Kung gayon, hindi rin dapat kilalanin ng mga manggagawang rank-n-file, ang mapanlinlang at iligal na transaksyon ng mga taong kasabwat ng Toyota!###

TMPCLO- TMPCSU- TOYOTA, NATARANTA!

NALIGALIG AT NATARANTA ang reaksyunaryong sabwatang TMPCLO-TMPCSU-TOYOTA, bago pa man mailunsad ang Local Election. Hindi makapaniwala ang magkakasabwat na wala ng naniniwala pa sa mga inutil na liderato ng CLO.

Itinuturing ng TMPCLO ang lahat ng mga nais lumahok sa LE ay kanilang mga kaaway at kailangang atakehin.

Mapanlinlang at malisyosong inatake ang kanilang mga kasapi at inililihis ang mga paninisi sa TMPCWA at pinalalabas pang nanganganib na aagawin ang “unyon nila”. Ito ang mabisang depensa at kampanyang ipinakalat ng mga inutil na lider ng TMPCLO para lamang makakuha pa ng simpatya sa mga botanteng rank-n-file.

Hindi lamang nalasing, sa halip ay tuluyan ng nabaliw sa kapangyarihang ang mga inutil na lider ng TMPCLO sa maiksing panahon ng paghawak sa kapangyarihan sa loob ng Toyota. Sino nga ba ang tunay na mang-aagaw?

Marahil ay nakita na ng mga manggagawang rank-n-file, kung gaano kainutil ang mga lider ng TMPCLO at ang pagkadiskuntento ay idinadaan lamang sa simpleng paglahok sa Local Election, sa pagnanais na magkaroon ng tunay na boses ang mga manggagawa.

Dahil alam ng mga inutil na lider ng CLO na hindi na sila epektibo at alam na matatalo, kaya todo-todong kampanyang paninira ang ginagawa nito sa kanilang mga pinaghihinalaang pinapatakbo daw ng mga nais umagaw sa kanilang unyon (ang TMPCLO pala ay unyon lamang ng mga inutil na lider at hindi ng mga manggagawang rank-n-file?).

Iisa lamang ang nakikitan natin kung bakit halos kalahati ng kasapi ng TMPCLO ay nais palitan ang liderato. Malinaw na sa kanila kung sino ang tunay na may karapatan at dapat na mamuno sa rank-n-file at hindi ito ang mga inutil na mga taong nakaupo sa opisina ng TMPCLO!###

TMPCWA sa Switzerland at Germany

Noong nakaraang ika-28 ng Mayo - ika-2 ng Hunyo, ay muling nagpunta ng Geneva Switzerland ang Pangulo ng TMPCWA na si Ed Cubelo, upang linawin at ipaabot sa mga delegado ng 96th Governing Body Session ng ILO, ang maling impormasyon, na tapos na ang labor dispute sa pagitan ng TMPCWA at ng Toyota.

Pinabulaanan ito ni Pang. Ed, sa halip ay mas nailinaw na ang kasalukuyang nagaganap na problema ay ibayong nagging kumplikado lamang, sapul ng iligal na kilalanin ng magkasabwat na Toyota at DOLE ang bogus na TMPCLO.

Malalang paglabag ang ginawa ng Toyota at DOLE sa mga kautusan ng Korte Suprema at ng International Labor Organization.

Walang kaparis sa kawalang kahihiyang pagbabalewala sa mga sagradong batas ng Pilipinas at internasyunal ang ginawa ng Toyota at ng DOLE.

Nabigyan ng pagkakataong mailahad ito ni Pang. Ed hindi lamang sa mga lider manggagawang delegado ng ILO, kun’di maging sa mga komiteng bumubuo sa Governing body, gayundin sa mga mamamayan ng Europa, sa mga Interview ng mga progresibong Independent Journalist sa Switzerland.

Isang magandang pagkakataon din ang makarating sa bansang Aleman, kung saan ay naanyayahan ang TMPCWA, na dumalo sa isang International Automobile Workers Council, kasama ang mga kinatawan mula sa Unyon ng Nissan at ng Honda sa ilalim ng alyansa ng CAR-AID.

Nagkaroon ng pagkakataon na maibahagi ang dakilang pakikibaka ng TMPCWA at matutunan ang mga pakikibaka ng ating mga kapwa manggagawa sa industriya ng sasakyan mula sa 17 bansang naanyayahan.

Naging makabuluhan ang kaganapang ito, nang maisama sa binuong resolusyon ng konseho, ang tugon sa buong pagsuporta ng lahat ng mga bansang delegado, sa pakikibaka ng mga manggagwa ng Toyota at mga nakikibakang manggagawa ng Nissan.

Halos naikot ang lahat ng bansa sa Germany para lamang maipalaganap ang mga anti-manggagawang patakaran ng Toyota at Nissan.

Nagiging malaganap na ang mga imoral at anti-manggagawang patakaran ng Toyota, at lalawak pa ito habang patuloy na hindi nareresolba ang tunay na usapin, sa iligal na pagtatanggal ng Toyota, sa mga kasapi at lahat ng lider ng TMPCWA.

Simple lamang ang solusyon sa tuluyang pagguho ng imahe ng Toyota,..— ang makatarungang pagpapabalik sa mga iligal na tinanggal! ###

Usapin sa Ulat ng Pananalapi ng CLO-Kwestiyonable!

Sa nakaraang general Assembly ng bogus na CLO ay tinalakay at inulat ang mga usaping may kinalaman sa pananalapi ng unyon. Subalit mayroong nakapansin sa hindi maayos na paglalatag ng ulat pampinansya sa lahat ng mga nawawalang pera kung saan napunta.o sino ang gumamit.

Tila hindi nasagot ang napakahalagang tanong at pilit itinago ng taong nag-uulat na kung nais makita kung ano ang pinagkagastusan at kung sino ang mga taong may kinalaman, sa mga gastusin ay kinakailangan pang pumunta sa opisina ng CLO.

Bakit kinakailangan na puntahan pa ang opisina ng TMPCLO, para makita ang mga hindi maipaliwanag sa tanong ng isang kasapi, na pinupuna ang magulong ulat pampinansya ng organisasyon? Hindi ba dapat sa panahon ng paguulat ay masinop na nailalatag ang usaping pampinansya?

Marahil ay sinadya o talagang hindi inayos ang pag-uulat, para lituhin ang mga manggagawa, o marahil ay kinakailangan talagang gawin ang magulong paguulat, para hindi rin maintindihan ng mga kasapi, na bukod sa pagod sa trabaho ay itinataon ang pulong asembliya sa panahong nagmamadaling umuwi ang mgamanggagawa dahil may bonus?

Hindi ito dapat palagpasin ng mga kasapi, karapatan natin na bantayan kung saan napupunta ang mga kinakaltas sa ating mga manggagawa!###

No comments: